Dalawampung Oras na Walang Diyos
Ang Nakaraan: Sa isang sulok ng paraiso nagaganap ang pagpupulong ng mga diyoses ukol sa isang kaganapang maselan. Lahat ay abala sa pagpapahayag ng kanilang saloobin upang makumbinsi ang kataas-taasang Ama habang ikinukubli ang kanilang personal na interes sa kapakanan daw ng nakararami. Isa sa mga nasa pulong si San Julio, Poon ng mga pangarap at pag-asa. Natatangi syang hindi sang ayon sa tinatahak ng usapan na alam nyang ikalalagay sa alanganin ng Ama. Nilisan nya ang pulong na iyon ng may mabigat na loob at balisang isipan.
Setting: Sa kaharian ng mga kaluluwang naghahanap ng gabay sa kinabukasan kung saan namumuno si San Julio. Isang malaking kapistahan ang nagaganap na inihanda ng ilan sa mga anghel ni San Julio bilang pagdiriwang sa katuparan ng mga pangarap ng ilang kaluluwa. Hindi alintana ng mga anghel maging ng mga kaluluwa ang bigat ng damdamin ni San Julio dahil sa napipintong desisyon na kanyang pinili. Inihayag ito ni San Julio ngunit ang sanlibutan ay puno ng kasiyahang pansarili upang mapansin ito. May ilang anghel na nakaramdam ng kaba ngunit isinaisang tabi muna.
Unang oras: Magkakasama ang ilang piling anghel, silang nakadama ng kakaibang kilos ni San Julio. Hanggang sa naganap na ang kanilang hinala: ipinahayag ni San Julio ang kanyang desisyong lisanin ang paraiso. Nagkagulo ang mga kaluluwa, nagkaturuan, nagsisihan. Nagtanungan kung bakit sila iniwan.
Ikalawang oras: Nagpatuloy sa mundo ng kalituhan ang mga kaluluwang muling naligaw. Nalilito man at nagdadalamhati, nagkaisa sa iisang damdamin na pigilan ang paglisan ni San Julio.
Ikatlong oras: nagpulong muli ang mga diyoses na nabulabog sa paglisan ni San Julio. Halatang balisa ang Ama na nahirapang gumawa ng desisyon. Sinamantala ito ng mga apat na arkanghel. Una na si Lucifer, na nagsabing sya na lang ang mamuno sa mga kaluluwa. Tinutulan ito nila Gabriel kasama ang tatlo pang arkanghel, bumuo pa mandin ng pangkat na magsisigurong hindi makukuha ni Lucifer ang mga kaluluwa. Kahit sino daw, wag lang si Lucifer.
Ikaapat na oras: Pinulong ni Lucifer ang mga piling anghel at sinabing di nya man nais ay pilit na ibinibigay sa kanya ng Ama ang mga kaluluwa. Napaisip ang mga anghel sa dahilan kung bakit pinulaan ni Lucifer si San Julio, at sinabing ang dahilan ng paglisan nya ay ang napintong pakikipagmabutihan sa ilang piling kaluluwa. Nagdulot ito ng lungkot sa mga piling anghel, maliban kay anghel Maldita na alam ng marami na kaisa ni Lucifer sa kanyang adhikain.
Ikalimang oras: Pinilit ng mga piling anghel na makipagpulong kay San Julio. Hindi sila nagtagumpay.
Lumipas ang magdamag, halos walang patid ang luha ng mga anghel. Patuloy ang pagluhog kay San Julio upang sila'y gabayan. Lalong bumigat ang kalooban ni San Julio, nahati ang kanyang kalooban sa pagitan ng prinsipyo at ng kanyang pagmamahal sa mga kaluluwang nangangailangan ng kanyang gabay sa pagkamit ng kanilang pangarap.
Ika-10 oras: Sa pangungulit ni anghel Bruhilda, nagawa nyang makausap si San Julio. Ipinahayag ni San Julio ang ilan sa dahilan ng kanyang paglisan. Damang-dama ni Bruhilda ang kalungkutan sa tinig ng Poon. Ipinagtapat din nito ang isa sa kundisyon ng kanyang paglisan na ihabilin kay Bruhilda ang mga kaluluwa. Tinanggihan ito ni Bruhilda sapagkat alam nya sa sarili nya na wala syang kakayahan at sapat na kapagyarihan upang gampanan ang tungkulin ng Poong San Julio. Sinabi rin nito ang katotohanan na si Lucifer ang nagprisinta kay Ama at hindi ito pinili, taliwas sa tinuring ni Lucifer sa mga anghel. Sa pagwawakas ng kanilang usap sinabi ng poon na labis syang nalulungkot dahil mismong ang Ama ay dumulog na sa kanya upang sya ay wag lumisan ng paraiso.
Ika-12 oras: patuloy ang nag iisang panalangin ng mga kaluluwa. Umabot maging sa kaharian ng internetopia, na kinikilala ang kabutihan at kakayahan ni San Julio na tuparin ang kanilang pangarap. Sumidhi ang kanilang adhikain.
Ika-13 oras: Nagdeklara si Lucifer sa pangkalahatan na handa syang maging bagong gabay ng mga kaluluwa. Sinuportahan ito ni Maldita.
Ika-14 oras: Patuloy ang mga anghel sa pagdulog kay San Julio upang sila'y makita at makausap, mabigyan man lamang ng tamang gabay kung talagang di na sya mapipigil sa paglisan. Sa wakas ay pinaunlakan sila ni San Julio.
Ika-18 oras: Buong kasabikan na naghihintay ang mga anghel sa pagdating ni San Julio. Lahat sila ay naghanda ng kanilang mensahe ng pamamaalam at pasasalamat.
Ika-20 oras: Dumating si San Julio sa piging ng mga anghel. May kalungkutan man ang paligid, pilit nagpakita ng katatagan at kahandaan ang mga Anghel. Ipinahayag ni San Julio na dahil sa kanyang pagmamahal sa katotohanan, sa katarungan at sa pagsuporta sa Ama, napagdesisyunan nyang manatili bilang gabay ng mga kaluluwa. Naghiyawan ang mga anghel sa tuwa, tumulo ang luha ng kagalakan, natulala si Bruhilda sa walang pagsidlang kasiyahan, nahirapang magpanggap si Maldita na masaya sya dahil halata sa mukha ang pagkadismaya.
Ilang minuto pa ay pumailanlang na sa kalawakan at internetopia ang magandang balita. Nagtagumpay ang kapangyarihan ng nagiisang damdamin at panalangin. Muling nanaig ang kabutihan at katarungan.
Lahat ay mabuti.
No comments:
Post a Comment