Thursday, January 17, 2019

Yakap

Paano papahirin ang luha mo
Na dulot ng pagod at panlulumo
Paano aaluin ang lungkot mo
Kung nandyan ka at nandito ako.

Maari ko bang akuin ang hirap ng iyong kalooban
Dahil mahirap din sa akin makita kang ganyan
May magagawa ba ako? Mayroon bang paraan
Na ako’y makatulong upang pighati’y maibsan.

Sadyang hindi sanay na makita kang lugmok
O tulala at tahimik sa isang sulok
Sabihin mo sa akin, ano’ng maari kong gawin
Upang mapagaan ko ang iyong damdamin.

Makakatulong ba kung aking aaminin
Ang matagal ng nakatagong damdamin?
Pagmamahal para sa iyo na hindi ipinakita
Dahil alam naman natin na talagang di uubra.

Hayaan mo na lang na ika’y mayakap
Kahit ‘di mawaksi nadarama mong hirap
Baka sakaling kung dibdib ay maglapat
Maitawid ang pagibig na ‘di maipagtapat.

August 2018